Setyembre. Miyerkules. Alas kwatro kinse. Tambuk. Maingay na kapaligiran. Dumadaang mga estudyante. Kuya Ted. Elliz. Iba pang kids.
“Saan tayo pupunta?” tanong ni Kuya Ted.
“Kahit saan po, kayo po, san ninyo ba gusto?” sagot ko. Medyo alangan ako. Naiilang dahil hindi naman kami talaga nag-uusap ni Kuya Ted. Unang beses iyon. Paano kaya tatakbo ang buddy date na iyon?
“Saan ka pa ba hindi pa nakakapunta?” tanong ulit niya.
“Malabon zoo?” singit ni Dee.
“Nakapunta na po ako dun eh!” muling sagot ko.
Bonifacio High Street. Market Market. Trinoma. Mall of Asia. SM North. Megamall. Tiendesitas. Hai, napuntahan na naming yata ang lahat. Aha!
“Kuya Ted, nagba-bike ka ba?” ako naman ang nagtanong.
“Oo, bakit?” sagot niya.
“Nakapunta ka na po ba sa Quezon City Circle?” tanong ko muli.
“Hindi pa, bakit?” ani niya.
“Doon na lang tayo kuya!” bulalas ko. Matagal na akong hindi nakakapag bisikleta. Mula high school pa ata. Nasasabik ako dahil nasira ang bisikleta namin sa bahay, kaya naisipan ko rin dun magyaya. May ilang taon na rin mula nung huli akong magpunta sa circle. Field trip pa namin iyon nung 3rd year high school.
Backpack. File case. Shoulder bag. Nag-ayos na. Ok na, aalis na kami. Ano nga kaya ang mga pwede kong itanong. Ano nga kaya ang pwede kong malaman. Hanggang saan nga ba ang maari kong itanong. Seryoso si Kuya Ted, ung ang tingin ng halos lahat sa kanya. May matutuklasan kaya akong iba sa kanya sa hapon na iyon? Umalis na kami ng tambuk. Nakipag-usap siya ng konti kay Lei. Tapos dumiretso na kami sa sakayan. Nag-uusap. Nagtatanong.
“Bakit hanggang bago mag-8pm pwede ka pa kuya? May lakad ka mamaya?” tanong ko.
“Wala, hihintayin ko ang kapatid ko.” Sagot niya.
“Taga-dito po? Anong course?”
“Oo, Lingusitics.”
“May class siya? Late po ba talaga uwi niya?”
“Hindi, may gagawin sa org”
“Ah, ok po.”
Patlang.
“Anong sasakyan natin?” binasag niya ang saglit na katahimikan.
“Kahit ano po na dadaan sa circle kuya, Mrt, SM North, kahit Philcoa” sagot ko.
“Ok, Sige. Ayun, Philcoa, sakay na tayo?” at nagpauna siyang lumakad.
“Ay, puno na kuya.” Dismayadong sagot ko.
May tumawag sa kanya. Ka-batch ko siya, ayon sa I.D. niya, pero hindi ko siya kilala. Nag-usap sila. Sikat nga si Kuya Ted. Dating Psych Department Representative. Nagtrabaho sa council. Kamusta nga kaya sa council? Ayan, may maitatanong na ako.
Pagtapos nilang mag-usap ay sumakay na kami. Naglalabas ako ng pera para magbayad nang magsalita siya, “naunahan na kita!” sabay bayad. Nagsimula na kaming mag-usap. Council ang topic. Kumusta doon, anong nangyayari, paano doon. Wala akong balak na pumasok sa pulitika. Alam kong mahirap doon. Madumi, at magulo. At iyon din mismo ang sinabi niya. Tumino sa akin ang sinabi niya, “kung hindi ka matatag, kung hindi mo kayang ipaglaban ang prinsipyo mo, kung madali kang ma-sway, wag ka doon. Hindi bagay ang mahihina doon. At, mahina ako.” May himig ng pagkainis, panghihinayang ang tinig niya. Maraming kontrobersiya. At, sa hinuha ko, hindi siya ganung nasiyahan sa pagiging parte niya ng council.
Philcoa na. Bumaba ang mga tao. Nangamba ako, medyo malayo ang lalakarin namin. Sana ay ok lang kay kuya Ted.
“Medyo malayo ung lalakarin natin.” Nag-aalangan kong sabi.
“Sanay ka ba maglakad ng mahaba?” tanong niya.
“Opo, pag masama ang loob ko, naglalakad lang ako. Para pag-uwi ko, pagod na ako at matutulog na lang. Kayo po?”
“Pareho pala tayo. Ganyan din ako. At humahanap ako ng lugar kung saan pwede akong maupo.”
May mapapag-usapan na naman kami. May nag-cut na jeep. Napunta sa driving ang usapan.
“Marunong ka bang mag-drive Elliz?”
“Opo, pero automatic ang dina-drive ko. Kayo po?”
“Oo din, nung summer lang. Manual naman sa akin.”
Mula sa pagda-drive, hanggang sa presyo ng gasoline at bilihin. Malawak na scope ng usapan. Inexpect ko iyon, pero hindi ko masyadong naexpect na masaya pala pag-usapan ang mga iyon.
Circle. Naglakad. Nag-ikot. May nadaanan na chess table.
“Marunong ka bang mag-chess Elliz?”
“Opo kuya, pero hindi ako magaling.”
“Tara, laro tayo.”
“Pwede po ba diyan?”
“Pwede, ayun oh, may chess sets dun. Pero, gusto mo bang mag-bike muna?”
Mas appealing ang pagba-bike. Lalo na nung nalaman ko na varsity pala siya ng chess nung elementary at high school days niya. Nagkwento siya tungkol dun. Nakita naming ang hanay ng mga bisikleta. Nagrenta kami at parang mga bata na nagbisikleta lang. tinatangka ko siyang kunan ng litrato, documentation sana, pero, maalog ang bisikleta. Nasubukan pa naming mag-usap habang nag-iikot nang nakabisikleta. Nakatatlong ikot kami. Nang mapagod na ay umupo sa ilalim ng puno at nagtuloy ng kwentuhan. Pamilya. Pag-aaral. Insights sa buhay. Pangarap. Ambisyon. Palagay sa mga bagay. Masaya siyang kausap. Masarap kasama. Marami akong natutunan sa araw at pagsasama na iyon. Natuklasan na mga bagay na siguro ay hindi niya sinasabi sa mga taong simpleng nakakasalamuha lamang niya. O dahil lamang ba sa buddy niya ako kaya iyon nai-disclose sa akin. Siguro naman hindi. Nasabi ko din sa kanya ang tingin ko sa buhay. Mga nais kong gawin, mga plano, kung mayroon man. Maraming napag-usapan. Masasayang bagay, malulungkot. Mga kinaiinisan, mga kinatuwaan. Marami akong natutunan at pahahalagahan ko iyon, tiyak iyon.
Tinawag na kami nung lalaki, tapos na raw ang oras namin sa bike. Kala ko pa naman unlimited time. Namiss ko kasi iyon eh. Ibinalik namin ang bisikleta, at naghanap ng makakainan. Patay, wala na yata akong pera, sa isip ko lang. Sana may ATM dito. Pero ayos lang naman, mura ang pagkain. Namangha ako sa appetite niya. Ang dami niyang nakain. At mas marami pang nai-share. Lovelife. At ilan pang tingin sa mga bagay-bagay. Alas-siyete y medya na. Tumawag ang kapatid niya saktong halos pagkatapos naming kumain. Babalik na siya ng UP, at ako, uuwi na. Buntong hininga sa gitna ng ilang patlang. Hindi naman siguro kami mauubusan ng pag-uusapan sa mga susunod na araw, marami pang maibabahagi, sigurado iyon. Naglakad na kami pa-Philcoa. Doon ako sasakay pa-MRT, at tatawid naman siya pa-UP. Pamilya ang topic habang naglalakad. Suliranin sa pamilya. Kakulitan ng mga kapatid. Hindi pa kami gaano natapos, nasa Philcoa na pala.
“Hihintayin na kitang sumakay.” Sabi niya.
“Ok po, eto na kuya, pwede na. Salamat po!” at sumakay na ako.
“Salamat din, ingat ka.” pahabol niya.
Kumaway pa kami sa isa’t isa. Masaya ang karanasan na iyon. Sana pag nagkita na kami ulit, hindi na masyado halata ang pagka-alangan. Buddy ko siya, at malaking pasasalamat ko talaga na nabigyan ako ng pagkakataon na mas makilala siya.
ako. ako. ako.
- elliz
- Pasig City, National Capital Region, Philippines
- ako si elliz. 20 taong gulang. nasa ika-apat na taon ng kolehiyo. kumukuha ng Batsilyer ng Sining sa Sikolohiya, sa Unibersidad ng Pilipinas - Diliman. tao. may ISIP. may puso. humihinga. BUHAY.
Friday, September 12, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment