“Soleil, soleil, soleil, soleil.. we are hot, hot, hot! Soleil’s hot, hot, hot!”
Ika-30 ng Agosto, taong 2008. Alas singko kuwarenta’y singko ng umaga. Palma Hall Steps. UP Diliman. Limang bus. Mahigit labinlimang facilitator. Isang propesora. Apat na pangkat. Mahigit isang daang estudyante. Taunang Geography Camp ng Junior Philippine Geographic Society.
Kaba. Takot. Alinlangan. Pagkasabik. Halo-halong emosyon. Unang pagkakataon kong sasama sa isang outdoor camp. Hanggang sa eskwelahan ko lamang nung high school ako nakatulog nung girl scout pa lang ako. At ang matindi pa doon, takot, dahil unang beses kong sasama sa isang overnight na hindi ko naman talaga ganoon ka-close ang mga kasama ko. Iilang buwan pa lamang kaming magkakaklase. Iilan lamang din sa kanila ang nakakausap ko talaga, mabibilang sa isang kamay. Paano akong tatagal sa isang lugar na alangan ako kung talaga ngang makakasundo ko ang karamihan sa mga makakasama ko?
Ala-sais y medya. Bumukas na makina. Malakas na buga ng aircon. Maingay na mga estudyante. Nagkakagulo sa upuan. Nagsisimulang mag-usap. Nagkahiwa-hiwalay ang mga magkakaklase. Nakitabi sa mga taga-ibang pangkat. “Attendance na!” sigaw ng facilitator. “Wala pa si Tin!” sigaw ng isa. “Akala ko ba five forty-five ang alis?” sigaw ng iba pa. “Hindi nakakasend ang Globe!” buntong hininga ko. Badtrip, paano naman ako magtetext sa mama ko? Paano naman ako magtetext sa boyfriend ko? Mag-aalala sila. Wala akong makakausap. Hindi ko kaklase ang katabi ko. Ni hindi ko siya kilala. Paano ito? Buntong hininga na lamang ulit.
Lampas ala-siyete. Paalis na bus. Tahimik na mga tao. Nakaupo na ang lahat. Nagsasalita ang facilitator. Magdadasal na daw. Iniwan na ang mga nahuling dumating. Paalam pansamantala sa Maynila. “Hindi pa din ako makasend, Mel, nakakatext ka ba?” tanong ko sa kaklase at orgmate ko na nasa may unahan ko. “Hindi pa din ate eh, ikaw ate Ionee?” baling ni Mel kay Ionee na nasa unahan ko din. “Hindi din eh, hindi ako makakapagtext kay nanay.” sagot ni Ionee. Aanim lamang ang kakilala at kabiruan at nakakausap kong kaklase. Dalawa pa roon ang hindi sumama. Apat lang kami, nasa may unahan kami nila Mel, at napunta sa likod si Kim, mag-isa. Swerte na din ako at nakasama ko sa lugar sina Mel, mas lalong hindi yata ako magiging okay kung nasa likod ako at mag-isa. Nasa Katipunan na ang bus. Nakatapos na din magdasal para sa isang ligtas na biyahe. Badtrip pa din ako dahil hindi pa din ako nakakasend. “Uy, dadaan pala tayo sa amin!” napabulalas na lang ako kina Mel at Ionee. “Sige, ituro mo sa amin ah!” balik sagot ni Ionee. “Ate Elliz, paano ba mag-unli sa smart?” tanong ni Mel. “Send 15 to 258, Mel.” Wala sa loob na sagot ko. Walang load ang smart ko, paano ako magtetext nito? Ni hindi pa alam nila mama na umalis na kami. “Ayun oh, ayun, dun kami nakatira, sa green na gate!” turo ko sa kaliwang parte ng kalsada. “Ai, anlapit lang pala!” sabi ni Ionee. Pagkaraan sa amin ay tuloy- tuloy na ang pagturo ko. Dumaan kasi kami sa paaralan ko nung high school, at nung elementarya. Alam na alam ko daw ang dinadaanan namin, siyempre naman, lugar ko na iyon eh! Doon ako lumaki, at aasahan naman na kapag kinalakihan mo, alam na alam mo ang lugar. Pagkalabas ng Expressway ay tahimik na kami. Sa sobrang aga ng oras na sinabing aalis kami ay nakatulog na ang halos lahat sa antok. Mangilan-ngilan lamang ang talagang nag-uusap at nagkukuwentuhan. Nahihinuha kong hindi pa ganoon kalalim ang lebel ng disclosure ng ilan. Malamang sa malamang ay mga bagay na may kinalaman sa pag-aaral ang pinag-uusapan nila. Umidlip na din ako. Inaantok ako dahil hindi ako nakatulog ng mahaba, at pagod pa ako nung nakaraang gabi. Makakaya ko kayang tumagal dun? Kailangang makitungo ng maayos.
Expressway. KFC. Jollibee. Starbucks. Agahan. Lampas alas-otso. Maingay na ulit. Ginising ako ni Ionee. Bumaba ang lahat para bumili ng pagkain. Marami nang gutom. Hinintay ako nila Ionee sa labas ng bus, pati si Kim, hinintay namin. Ang hirap mag-isip kung saan kami bibili ng pagkain. Hindi pare-pareho ang gusto namin, pero sa huli ay nagkasundo na ding sa KFC na lamang bumili. Pumila na kami, magkasunod kami ni Ionee sa pila, habang dahil sa tagal nila Mel galing sa palikuran ay nasa may likod na sila ng pila umabot. Umorder ako ng pang-almusal at pangtanghalian. Hindi daw kasi kasama sa binayaran naming ang tanghalian. Tumulad si Ionee sa order ko. Iba ang order ni Mel, at almusal lamang ang binili ni Kim. Magkakasabay kaming bumalik sa bus, at kumain. Sinubukan kong magtext, at sa wakas! Nakasend na din ako. Natext ko na si mama, at si Josh.
Nagbalik ang ulirat ko dahil sa muling pag-ingay ng paligid. Nasa Tagaytay na kami, at nag-stop over kami para maglecture sandali si Ma’am Nantes. Wala akong gaanong naintindihan. Ninamnam ko lang ang ganda ng paligid na huli ko yatang napuntahan limang taon na ang nakaraan. Nagkuhanan ng litrato pagkatapos ng lecture. Minalas ako dahil sira ang camera ko. Nagkulitan na lamang kami nila Kim, at nagkuhanan ng litrato sa cellphone nila. Pagbalik naming sa bus ay malapit na daw kami sa Kampo Trexo. Hindi na kami nakatulog ulit. Nagkwentuhan na lamang ang mga tao. Oo nga pala, magkakaklase ang mga kasama naming sa bus, labingdalawa lamang kami na galing sa klase namin. Mahirap makitungo at makipag-usap pag ganun. Hindi ako gaanong nasasakyan ng katabi ko. Madaldal ako, pero hindi ko siya madaldal dahil alangan un para sa akin. Hindi ko naman siya kilala, at lalaki siya kaya hindi ako makaisip ng topic na maaari naming pagusapan.
Ang malapit ay malayo pa pala. Lampas trenta minuto din ang paglalakbay papunta sa Kampo Trexo. Nasabik ang halos lahat nang lumapit na sa gate ng kampo. Nag-ayos na ng gamit, at tumayo na. Nang pinayagan na kaming bumaba ay namangha kami sa katahimikan ng paligid. Tamang-tama nga naman talaga ang lugar na iyon. Lumakad na kami papasok nang makababa na si Kim. Pagdating doon ay saka ko lamang nalaman na yellow team pala kami ng buong klase ko. Ay, puro pulang damit ang dala ko! Sa ilang minutong paghihintay ay ilang beses kong narinig na tinawag nila akong “classmate,” dahil hindi nila alam ang pangalan ko. Tinawag na kami ng mga facilitator at sinabi na pagkatapos ng pag-welcome sa amin ay sasabihin na nila kung sino ang makakasama namin sa tent. Takot ko lang, sana sina Ionee na lang ang kasama ko. Dahil mahirap na muling magsimula na makitungo.
Pero hindi pa pala doon natatapos ang takot ko. Oo nga pala, hindi ko pa din nakausap ang lahat ng mga kaklase ko. At dito na tiyak magsisimula ang exposure trip ko! Isa itong adventure na sana ay ikatuwa ko ang kalalabasan!
Nametags. Dilaw na panyo. Team leader. Pintura. Group cheer. Tatlumpung minuto. Simula ng pakikipagkilala. Simula ng pakikitungo at pakikisalamuha. Gagawa daw ng team cheer. Gagawa daw ng flag. Nagtatanungan ng pangalan. Nagtatawanan sa mga nakakabaliw na ideya ng bawat isa na nagsasalita para paunlarin ang diskusiyon. Sa wakas, Soleil ang pangalan ng pangkat. Singtingkad ng araw ang kulay ng grupo. Hot daw kami, wala na kasing maisip na dahilan. Si Yuri ang gumawa ng flag. Nagconceptualize ng cheer kaming natira. May sayaw, may kakanta, parang tribo lang ah! Tapos na ang tatlumpong minuto. Magkakakilala na ang halos lahat. Nag-uusap na at nagtatawanan. May ibang nagkakahiyaan. Una ang Soleil. Nagcheer. Nagpakitang gilas. Napangiti ang lahat. Pag-upo, nagtinginan. May koneksiyon na.
Pagkatapos ng lahat ay sinabi na ang tent assignments. Napunta ako sa tent number 19, kasama sina Amanda, Erika at Ara. Mga kaklase ko nga sila, pero ni hindi ko alam na andun pala sila sa klase namin. Sayang, sana sina Ionee na lang. Pagkatapos mag-ayos ng gamit sa tent ay naghanda na para magtanghalian. Umupo kami sa iisang mesa at nagsimula nang kumain, marahan, nagkakahiyaan. Kailangan ng babangka, para masimulan ang usapan. Nagsalita ang team leader, maghahati daw sa apat na mas maliit pang pangkat. Nagbilangan. Nagkakilanlan ang magkakagrupo. Dun nagsimula ang usapan. Kung paanong si ganito ay konektado kay ganyan, at si ganyan ay konektado kay ganoon. Ganun daw kapag una mo pa lamang nakilala at nakasama, humahanap ka ng common ground ninyo, ng pupuwedeng magkonekta sa inyo na may matibay na hawak.
Nagsimula ang mga aktibidad. Group games. Tinamaan ako ng malas. Natapilok ako. Namamaga ang paa ko. Nag-alala ang mga ka-grupo ko. Nangambang hindi na ako makakasali sa ibang aktibidad. Nag-alala din ang mga facilitator. May tumakbo para kumuha ng yelo. May nag-alalay. Kamuntik pa akong buhatin. Pagtulong. Tinatanong nila kung okay lang ako. May nagsabing wala lang daw iyon at wag ko nang isipin dahil kaya ko naman. Hindi naman daw iyon gaanong sasakit. Nasa isip lamang daw iyon. Okay, sabi ko. Iisipin ko na lamang na hindi iyon sasakit. Iisipin ko na lamang na walang nangyari. Pagdating ng yelo, tumuloy na ako sa aktibidad. Kaya ko nga naman, sabi ko sa sarili ko. Hinabilinan pa akong magpahinga muna sandali kung biglang kikirot ang paa ko. Amazing race. Wall climbing. Rapelling. Zip line. Natapos ko pa ang lahat ng pisikal na aktibidad. Nakitakbo ako sa kanila, hindi ko pwedeng iwanan ang grupo ko sa ere. Pinagpawisan. Napagod. Nakibagay.
Huling aktibidad. GPS reading. Compass reading. Madali lamang ang magbasa ng direksiyon gamit ang kompas. Pero hindi ko naintindihan ang pag-gamit nung GPS na iyon. Parang ipinahiram lang sa amin, at bahala na kami tumuklas ng paraan ng pag-gamit. Bahala na. Tiyak namang hindi iyon ipapagamit sa orienteering kinabukasan. Gutom na kami. Wala nang pakialam sa ibang itinuturo. Hindi naman namin naiintindihan na.
Pagod. Mabaho. Ngarag. Kailangan na ng ligo. Pero mahaba pa ang pila. Sige, nauna na sila. Ang pangkat naming ay tuloy pa din sa kwentuhan at tawanan. Halakhakan at hagikgikan. May presentasyon pa pala kinagabihan. Tulong tulong sa pag-iisip. Kumain muna kami. Tapos naligo. Ayan, fresh na. Balik sa pagpaplano. Naging panatag na ang mga tao sa isa’t isa. Nakikibagay na sa gusting konsepto ng presentasyon. Ang iba, sige lang ng sige. Bahala na, kaya yan. Kakayanin naman yan, dahil magkakasama eh. Nawala na ang pagka-alangan ko sa kanila. Ok na ako na hindi gumagamit ng cellphone. Na hindi nagtetext at naghahanap ng kausap. May nakakausap na ako. Nakakasundo ko na sila kahit papaano.
Presentasyon. Kanta. Sayaw. Tawa. Kalokohan. Kung ano-ano na lang. Wala yatang nakagawa ng maayos na presentasyon. Pero ang napansin ko sa lahat, naguusap na. Wala nang dead air. Wala nang blank spaces and pauses. Ok na sila. Ok na ang lahat. Maging ang mga facilitator ay naki-kanta. Nakitawa. Nakisabay at nakigaya sa pang-ookray. Masaya ang gabi. Maraming natutunan. Alas-onse. Lights off na daw. Nasa tent na ako. Katabi ko si Erika. Andun na din sina Amanda at Ara. Wala kaming mapagkwentuhan. Nasa ikalawang antas pa lamang sila. Iba-iba din ang kurso. Pero ang maganda dun, panatag nang makakatulog sa tabi ng isa’t isa. Lumabas ako ng tent. Nakasalubong ko ung isang facilitator. “Ok na ba ang paa mo?” nakangiting tanong niya. “Oo, salamat sa pag-aalala.” Nakangiti ring tugon ko. “Uy, concern!” pang-aasar ng ilang kagrupo ko. Napangiti na lang ako, at bumalik na sa tent. Bago matulog, nagpunta sa bawat tent si Ionee, nag-good night sa aming lahat. Dahil daw wala siya sa bahay nang weekend na iyon ay kami ang igu-good night niya. Ganoon daw kasi siya sa bahay nila. Ang mga Pilipino nga naman, sadyang malambing, at malapit sa pamilya.
Matutulog na ako. Gising pa ang iba sa kanila. Nagkukuwentuhan pa. Nagkakakilanlan nang lubos. Maaga pa kinabukasan. Kailangan ng enerhiya para sa orienteering. Tulog na ang mga kasama ko. May kumakatok sa tent. May facilitator, nakikiusap, baka pwede daw sa amin muna si Yuri dahil nilanggam ang tent nila. Maliit na ung tent. Pero sige, kesa naman walang tulugan si Yuri. Nakapuwesto na ang lahat. Tulugan na talaga!
Malamig na hangin. Huni ng ibon. Sinag ng araw. Oo, umaga na nga. Nagising ako. Gising na ang halos lahat. Ang iba, hindi natulog. Naaliw yata sa kwentuhan nila. Mag-aayos na. mag-aagahan na kasi. Mistulang bangag ang iba. Isa na ako dun. Hindi ako sanay magising ng maaga. Pero sige, alang alang sa geog camp. At nakakahiya namang maiwan ako sa higaan. Kakain na. almusal. Sabay sabay ang lahat. Nasa iisang mesa. Nagtitinginan. Oo nga, bangag nga. Ang mga maingay ay natahimik. Ang mga tahimik ay mas lalong nanahimik. Maghintay pa ng kaunti. Iingay na muli iyan. Pagtapos ng agahan. Tinawag na ang lahat. Magsisimula na ang orienteering. At magiging isang buong grupo na muli ang Soleil. May humawak ng kompas. May humawak ng mapa. Kailangang manalo.
Malakas na pito. Takbo dito, takbo doon. Turo ng kompas dito, turo ng kompas doon. Nagkamali ang Soleil. Sisihan ang nagaganap. Kasalanan ni ganito, kasalanan ni ganyan. Ni hindi inako ang pagkakamali. Buti na lamang, may naglakas loob na manguna at mamuno. Naayos ang mga dapat ayusin. Nagkasigawan. Nagkasisihan. Nagpaikot ikot. Naligaw. Nawala. Pero sabay sabay na nakabalik. Magkakasamang nakabalik. Hindi kami nanalo. Pero napatunayan ang samahan kahit sa ganung kaliit na paraan.
Pahinga. War games daw ang kasunod. Hinati ang lahat ng grupo. Napunta kami sa iba’t ibang pangkat. Kagrupo ang mga mula sa pangkat ng ibang seksiyon. Tumahimik muli. Makikisama na naman. Pero isang laro lang. Pagbigyan na. Batuhan ng plastic na may tubig. Pag nabasa ang flag, out na. Ok, game. Nanalo ang grupo namin. Lahat ng papuri papunta sa team. Paano kaya kung natalo? Sisihan din kaya ang mangyayari? Naligo na ang lahat pagtapos noon. Kumain ng tanghalian. At naghandang umalis.
Kaba. Takot. Alinlangan. Iyan nung simula. Lungkot. Panghihinayang. Sana maulit pa. Sana mas matagal pa. Iyan na nung huli. Masaya ang Geog Camp. Nasiyahan akong kasama ang mga taong akala ko ay ni hindi ko makakausap. Umabot nga siguro kami sa antas ng pakikisama, kung hindi man sa pakikipagpalagayang-loob. Dahil napasaya at tunay na na-enjoy namin ang dalawang araw na iyon. Sulit ang lahat ng panahon na tahimik ang iba. Dahil nung huli, lahat ay halos ayaw na munang umuwi. O kung hindi man ay ayaw magpaawat sa kwentuhan. Ang nabuong samahan ng Soleil sa Kampo Trexo, tunay na naging singtingkad nga ng araw!
RANCES, Celliza Marrie D.
BA Psychology
ako. ako. ako.
- elliz
- Pasig City, National Capital Region, Philippines
- ako si elliz. 20 taong gulang. nasa ika-apat na taon ng kolehiyo. kumukuha ng Batsilyer ng Sining sa Sikolohiya, sa Unibersidad ng Pilipinas - Diliman. tao. may ISIP. may puso. humihinga. BUHAY.
Sunday, September 14, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment