ako. ako. ako.

My photo
Pasig City, National Capital Region, Philippines
ako si elliz. 20 taong gulang. nasa ika-apat na taon ng kolehiyo. kumukuha ng Batsilyer ng Sining sa Sikolohiya, sa Unibersidad ng Pilipinas - Diliman. tao. may ISIP. may puso. humihinga. BUHAY.

Wednesday, November 5, 2008

Bilang na Araw

Kasalukuyan akong nanonood ng Bilang na Araw, isang dokumentaryo ng the Correspondents na tumatalakay sa mga kapwa nating Pilipino na nakikipaglaban sa mga sakit nila sa kabila ng taning na ibinigay ng mga doctor sa kanila. Hindi ko maiwasang maiyak, maluha kapag kamatayan na ang usapan. Sino ba naman ang gusting pumanaw sa batang edad hindi ba? Pero, sino nga ba din naman ang may gusto na pahirapan ang kanyang pamilya sa pag-aalaga sa maysakit na kaanak?

Sa dami ng mga sakit na hindi na kayang gamutin ng siyensiya, ano pa ang magiging saysay ng buhay sa oras na dapuan ka ng isa sa mga ito? Madalas kong sinasabi na gusto kong maunang mamatay kaysa sa mga magulang ko, dahil hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa oras na mauna sila sa akin. Pero ano nga bang mararamdaman natin sa oras na malaman nating tinaningan na ang buhay natin? Malulungkot ba tayo? O matutuwa dahil makakasama na natin ang Poong Maykapal? Ang kamatayan nga ba ay isang bagay na hindi dapat katakutan?

Isa sa mga tinalakay nilang kaso ay ang kay Yan-Yan Sumilang. 11 years old siya ngunit mukha siyang limang taon dahil sa sakit na osteopetrosis. Ang sabi ng mga doctor ay wala pang gamut ang sakit na ito, at dalawa lamang sa buong Pilipinas ang may sakit na ganito. Ang sabi pa, kapag lumampas daw ng sampung taon na hindi pa gumagaling ay wala nang pag-asa itong mabuhay pa ng matagal. Bakit sa dinami-dami ng maaring tamaan ng sakit na hindi gumagaling ay yaon pang mga batang marami pang kayang gawin sa oras na tumanda na sila? Bakit sila pa? mahirap kuwestiyunin, pero kung ako ngang nakapanood lamang ng istorya niya ay masakit at mabigat na sa kalooban ang matanggap yon, paano pa kaya ang pamilya niya? mabigat sa loob kasi bata pa siya eh. At isa siyang mabait na bata na nais tulungan ang mga magulang niya sa oras na tumanda siya.

Anong gagawin mo sa oras na malaman mong may taning na ang buhay mo? Mahirap na tanong. Mas mahirap sagutin hindi ba? Ako? Hindi ko sasabihing hindi ako iiyak. Lalo pa’t mababaw lang talaga ang luha ko, at madali akong maiyak o madala sa mga malulungkot na pangyayari sa buhay ko, paano pa kaya kung ako mismo ang makakaranas noon hindi ba? Siguro, gagawin ko ang lahat ng mga gusto kong gawin. Pupunta sa mga lugar na gusto kong puntahan. Magbobonding kasama ang mga taong sobra kong pinapahalagahan. Kakain, tatawa, makikipagkwentuhan. At sa bawat pagtatapos ng bawat araw sa akin, magpapasalamat ako sa Panginoon sa isang araw pang idinagdag niya sa buhay ko, hindi ko hihilingin na sana ay magising pa ako kinabukasan, kung hindi sana ay matanggap ng mga taong malalapit sa akin ang aking magiging pagpanaw. Mahirap tanggapin na sa mga susunod na panahon ay kamatayan din an gating haharapin. Una una nga lamang naman iyan, siguro, ang mas mahalaga ay yung kahandaan mo para matanggap na isang araw, mamamaalam ka na sa mundong iyong ginagalawan, at ibabalik mo na sa Panginoon ang buhay na hiniram mo.

Marami sa atin ang natatakot na mamatay. Pero ito nga ba ay dapat nating katakutan? May taning man o wala, hindi ang haba ng buhay ang importante, what counts more is the quality of the life that you lived.

No comments: