minsan lang ako magseryoso sa mga bagay na nangangailangan nang pagseseryoso. siguro isa na doon ang pag-aaral. madalas akong umiiwas sa mga pagkakataon kung saan maiipit ako sa mga diskusyon, sa takot na walang maisagot, walang masabi, o basta, wala lang. mabibilang sa kamay ang mga pagkakataong sinubok kong makipagtagisan ng kaalaman sa taong kakilala, pero malimit sa sitwasyon ang pananahimik ko sa isang tabi para manood at makinig na lamang. minsan lang iyon, at isa ang araw na ito sa mga minsan na hindi ko malilimutan.
unang pagkakataon kong sumama sa Acle. siguro dahil sa mga nakaraang taon ay umuuwi lamang ako. o kaya, naiiwan sa isang pakakataon kung saan ang panonood ng pelikula ang magiging pinakamagandang gawin. pero naiba ito ngayong semestre. dumalo ako sa acle ng UP BUKLOD- ISIP. tungkol ito sa paghihikayat ng pagbabago sa pananaw ng mga tao, ng mga Pilipino sa bansa nating Pilipinas.
oo, masyado nang madalas na napapag-usapan ang problema ng bansa. kung paanong unti-unting ang mga pinoy ay nalulugmok sa kahirapan. nasusuong sa mga problemang hindi magiging madali para sa kanila na lampasan. mga seryosong bagay na binabalewala ng gobyerno. at tayo? bilang mga ordinaryong mamayan, ano nga ba ang ginagawa natin?
sa halos tatlong taong pamamalagi ko sa UPD, marami akong natutunan. kung paanong ang iskolar ng bayan ay kailangang maging kritikal sa pag-iisip. at oo nga pala, isa ako sa mga tinatawag na "iskolar ng bayan". mataas masyado ang tingin ng ibang mga tao sa pangalan ng unibersidad na pinag-aaralan ko. at sa taas ng tingin nila, madalas kong iniisip na hindi ako nararapat dito, sa lugar na ito, sa posisyon na ito. minsan, mabuti pang huwag na lamang ipagmalaki ang unibersidad kong mahal, bakit kamo? dahil mahirap na sagarin ang sarili mo para maabot mo ang mga standards na naitanim na sa isip nila tungkol sa mga nag-aaral sa UP. paano nga ba natatawag na iskolar ng bayan? bakit kailangang bigyan pa ng katawagan?
stereotypes. unang una, nakakasawa! lilinawin ko lang. hindi lahat ng nag-aaral sa UP, matalino. hindi lahat ng nag-aaral sa UP, nerd; weird; geek. hindi lahat ng nag-aaral sa UP, masunurin; responsable. TAO din kami. nag-eenjoy. nagcucut ng klase. bumabagsak sa exams. natutulog habang nagtuturo ang prof. un! ang kaibahan lang siguro namin sa inyo, pinapaaral kami ng pera ng tao. ang tuition namin ay parte sa binabayaran ng nanay mo, ng nanay ng kapitbahay mo, ng nanay at tatay ng blockmate mo, samakatuwid, buwis ng mga taong nagpapakahirap sa trabaho ang nagpapaaral sa amin. at kami, anong magagawa namin? sa ngayon, WALA. hindi kami mga saviors. hindi kami mga superheroes na kayang solusyunan ang mga problema ninyo. hindi kami mga mayayaman na nilalang para hingan ng pera. estudyante kami, at nag-aaral kami. wala kaming magagawa sa ngayon. hindi instant gratification ang sagot sa problema. hindi kawanggawa na nangungunang ipinapakita ng gobyerno. ang marapat na ibigay sa mga taong nangangailangan ay tulong para sa sarili. hindi pinansiyal, hindi pagkain. tulungan ang mga nasa ibaba na marealize ang mga dapat nilang marealize. na gawin ang mga dapat nilang gawin. na magtrabaho kung kinakailangan, hindi ung parang mga asong nakatanghod sa grasya, awa na ibibigay ng mga nakakaangat sa buhay. empowerment ang kailangan. tulong na may mas matagal na magagawa para sa mga nangangailangan.
SIMULAN SA SARILI. you can't give what you don't have. tama nga naman. simulan ang pagbabago sa sarili. babalik at babalik tayo sa konsepto na iyan eh. hinding hindi mawawala sa konteksto ang sarili, dahil iyan ang pagsisimulan mo. simulan sa sarili ang pagbabago. mangarap para sa sarili nang sa ganoon ay may marating, may maabot, may maitulong. anong maibibigay mo kung ikaw mismo sa sarili mo ay wala? ay kulang? sa loob manggagaling ang lahat. ayusin muna ang loob bago pangaraping makatulong sa labas. ayusin muna ang sarili, bago pangaraping makatulong sa kapwa, sa bayan, sa bansa, sa mundo.
sagot sa mga tanong? tayo, bilang mga ordinaryong mamamayan ay marapat na mangarap at subukang abutin ito. paunlarin ang sarili nang sa gayon ay mapaunlad ang bansa. wag na munang isipin ang national scope. simulan natin sa maliit, sa loob, papalabas.
ang mga iskolar ng bayan ay iskolar rin para sa bayan. marapat na mag-aral, magsikap, magpunyagi. para sa oras na may matapos na, ay maibalik tayo sa lipunan na nagpaaral sa atin. tayo ag pag-asa, pero siguro, hindi pa sa ngayon.
babalik at babalik tayo sa ating sentro. ang SARILI
ako. ako. ako.
- elliz
- Pasig City, National Capital Region, Philippines
- ako si elliz. 20 taong gulang. nasa ika-apat na taon ng kolehiyo. kumukuha ng Batsilyer ng Sining sa Sikolohiya, sa Unibersidad ng Pilipinas - Diliman. tao. may ISIP. may puso. humihinga. BUHAY.
Thursday, August 14, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment