ako. ako. ako.

My photo
Pasig City, National Capital Region, Philippines
ako si elliz. 20 taong gulang. nasa ika-apat na taon ng kolehiyo. kumukuha ng Batsilyer ng Sining sa Sikolohiya, sa Unibersidad ng Pilipinas - Diliman. tao. may ISIP. may puso. humihinga. BUHAY.

Thursday, August 28, 2008

kakaibang karanasan (2007 exposure trip)

Kakaibang karanasan!

“ See, if I live in Cavite and my work is in Manila, I have to expense myself a hundred and twenty or a hundred and sixty pesos to transport myself!”

Nang sabihin ng aming propesor sa Sikolohiyang Pilipino na dapat kaming makalikom ng labinlimang oras sa volunteer work, agad akong natuwa at hinintay ko ang araw na masisimulan na namin kumpletuhin ang requirement na iyon. Ang una kong binalak ay isasama ito sa CWTS group namin, dahil nga sa isang non government organization din kami nag-volunteer, ang Kythe Foundation na nangangalaga at tumutulong sa mga batang may malubhang sakit. Pero dahil sa marami pang proseso ang pagdadaanan bago tuluyang makapag-volunteer ay nagpasya kaming humanap na lamang ng ibang org na aalayan ng serbisyo.

Hanggang sa isang text ni Mariel ang nagpasaya sa grupo namin, nakahanap na daw siya ng org, at hindi basta basta ang volunteer work na gagawin namin. Tutulong kami sa pag-gawa ng documentary ng isang alternative media organization, ang TUDLA.

Nagsimula kami nang Sabado, bandang alas-Nueve ng umaga. Nagkita kami sa Philcoa, at magkakasabay na dumiretso sa Sampaloc, kung saan ang location ng documentaryong gagawin. Pero siyempre, bago kami magsimulang lumibot ay pina- orient muna kami sa tumatayong lider ng ALMARIL (alyansa ng mga mamamayan sa riles).

Mayroon daw nangyayaring aklasan sa riles, dahil pinapagibang kusa ni Gloria at ng NHA ang mga bahay na nagkumpol-kumpol dito. Pinapatanggal ang bahay na nakatirik, dahil sa railroad rehabilitation project ng gobyerno. At siyempre, dahil sa doon na nakatira, lumaki, nagka-anak, nagka-apo at namatay ang iba, sumama ang loob ng mga nakatira sa riles. At handa nilang ipaglaban ang lugar na tinitirahan hanggang sa kamatayan.

Matinding pagpapahiwatig ang ginagawa ng mga taga-riles. Nariyan ang pakikipag-usap, at halos pakikiusap nila sa gobyerno na huwag na lamang silang paalisin sa lugar na kinatitirikan ng mga bahay nila. Paano ba naman ay napaka-drama ng pinapagawa ng NHA, na kanya-kanyang giba ng mga bahay, ang bahay na itinayo mo ay ikaw rin mismo ang sisira at gigiba. Hindi ba sadyang napakasakit nun? Dahil nga sa ibang tao ang nasa gobyerno, at dahil sa ambiguity ng sitwasyon, sadyang mataas na lebel ng pagpapahiwatig yung ginagawa nila, samantalang dahil sa mas nakakataas ang mga nasa gobyerno, hindi na nila kailangan na taasan ang lebel ng pagpapahiwatig.

May napansin naman ako sa paraan ng pananalita ng mga nag-orient sa amin. Yung wikang ginagamit nila ay mas mataas yung antas, ibig sabihin, nasa cluster 3 ng Filipino Negative Emotions yung gusto nilang iparating. Na kesyo pinapasahol ng gobyerno ang kalagayan ng mga mamamayan sa riles. Na poot at pagkamuhi sa gobyerno ang gusto nilang maramdaman ng tao, na dapat ay masuklam sila sa administrasyon dahil hindi naman ito gumagawa ng paraan para paunlarin, o pabutihin ang kalagayan nila.

Poverty limits options. Na hindi ganap ang kalayaan ng mga tao na naghihirap. Katulad sa riles, dalawa lamang ang maaring pagpilian. Gigibain nila ang sariling bahay at lilipat sa relocation sites na halos nasa dulo ng mga probinsiya, kung saan malayo sa ospital, paaralan at trabaho, o mananantili sa tabi ng riles, na malapit sa lahat ng pangangailangan ngunit hindi naman nila maiiwasan ang panganib na dulot ng pagtira sa ganoong lugar. Sabi ng karamihan sa mga nakausap namin, kaya hindi sila lilipat ay dahil sa doon na sila lumaki sa riles, pero ang tanong ko sa kanila, kung sakali bang may matinong pagkakakitaan sa relocation sites ay hindi na sila babalik ditto? Ang sagot nila ay oo, sa madaling sabi, kung may choice lamang sila na mapabuti ang buhay nila sa relocation sites ay walang magiging problema sa paglipat nila.

To have freedom is to live a comfortable life. Hindi ko tuloy alam kung dapat bang isipin na hindi komportable ang mga taong naninirahan sa may riles. Mayroon mang mangilan-ngilang pamilya na nakatira sa ilalim ng tulay (tulay sa may Altura), pero mas marami naman sa kanila ang nakakagulat na ang itsura ng mga tahanan, kahit pa nasa may riles sila. Ang isang bahay doon ay hanggang 3rd floor, at talaga namang nakakaloka dahil may aircon ang bawat palapag ng bahay. Ang ilan naman ay may flat televisions at personal computer, ang iba doon ay nakikiuso sa latest na modelo ng cellphone. Limitado man ang options nila, kahit nasa tabi sila ng riles ay tiyak naming komporteable ang buhay ng ilan sa kanila.

Sa pangalawang araw ng pagpunta namin ay nagpasya na kaming magtanong tanong sa mga nakatira sa riles kung bakit hindi sila umaalis doon. Sa kabilang parte naman kami ng riles naglakad. Hindi ko alam kung kabutihang palad o kamalasan ba ang makakita ng mga matatandang manong na nag-iinuman. Una, maari naming silang hingan ng pahayag, pero siyempre, puro kami babae, kaya natatakot kami para sa aming kaligtasan, lalo pa’t wala kami sa lugar namin. Bago pa man kami makalapit sa mga manong na nag-iinuman ay may isang lalaki na ang agad na lumapit sa amin. Tinanong niya kung taga-saan kami at kung ano ang pakay naming sa lugar na iyon. Nang malaman na taga-UP Diliman kami ay bigla na lamang nag-ingles si kuya. Ang tanong niya ay sa ingles, kahit pa ang sagot naming lahat ay sa tagalong na. Ang pinaka-nakakalokang tanong ni manong ay: “I will ask you something, what if you live in Cavite and your work is here in Manila, is it supportable that you will go home there?” Pa-bibo pa ako sa pagsagot ng “siyempre hindi kuya, hindi praktikal!” na sinundan ng mas nakakaloka niyang sagot! “ See, if I live in Cavite and my work is in Manila, I have to expense myself a hundred and twenty or a hundred and sixty pesos to transport myself!” At sa pangungusap na yaon ay hindi na naming naiwasan na magpalitan ng sulyap ng mga kasama ko. Hindi man verbal ay nagkaintindihan na kami ng mga kaibigan ko sa mga nais naming iparating sa isa’t isa. Minsan nang nabanggit ng aming propesor ang kaibahan sa wika. Na ang mga taong mas mababa ang naabot sa edukasyon ay sinubukan pa rin na pumantay sa kausap nila. Katulad na lamang ng ginawa ni manong “expense” (binigay naming codename sa manong na ingles ng ingles). Nalaman niya na taga-UP kami, kaya bigla na lamang ay sumabay sa pag-iingles, maski na hindi kami nagsasalita sa ingles. Maaaring naisip ni kuya na kailangan niyang magpakita ng dunong dahil nga taga-UP kami. Na kailangan niyang ipakita na hindi lahat ng taga-riles ay walang naabot sa pinag-aralan. Wala naman sigurong problema sa amin kung kinausap niya kami sa ingles. Ang naging problema lamang ay yung pagtatangka niyang ipahiya kami sa pamamagitan ng ginawa niya. Unang-una, alam naming na hindi kami nararapat na magsalita ng ingles doon. Dahil katulad nga ng napag-usapan sa klase, hindi naman lahat ng tao ay maiintindihan ang wikang banyaga na iyon. Katualad na lamang ng mga tao sa nakatira sa riles. Tipong bihira ang maswertehan na makapag-aral para makaintindi ng ingles. Naalala ko tuloy ang kontratang pinapipirmahan ng NHA sa mga taong pumayag na ma-relocate. Ang kontrata ay nakasulat sa ingles, at hindi hinahayaan ng representative ng NHA na basahin ng tao ang ibang nakalagay sa parte ng kontrata, ibinubuka lamang nila ito sa parte kung saan pipirma ang tao, at ni hindi ipinaliwanag ang nilalaman nito. At dahil sa nakasulat ito sa ingles, hindi naiintindihan ng mga mamamayan sa riles ang nilalaman ng kontrata at magugulat na lamang sila sa oras na ipatupad na ang nilalaman nito. Ang nagagawa nga naman ng wika. Maaring manlinlang, maari rin namang magtaguyod, at humikayat.

Sa paglalakad lakad namin sa riles ay marami kaming mga taong nakasalamuha. Kapag nandun ka naman kasi sa lugar na iyon ay hindi ka maaring magsuplada, kung hindi ay baka mabastos ka. Kaya ayos na lamang kahit papano ang ngumiti sa mga makakasalubong. Ang mangilan ngilang pagbati ng tao ay sinasagot ko na lamang ng tango. Hindi na naman bago sa akin ang lugar na iyon, sa Sampaloc ipinanganak at lumaki ang mama ko, ang papa ko naman ay may mga kamag-anak sa Antipolo. Kaya hindi na ako nanibago sa paglalakad at paglilibot. Ang mga lola ko sa side ni papa ay apektado ng demolisyon, dahil ilang metro lamang ang layo nila mula sa riles, eh kailangan gibain ang mga bahay 15 meters mula sa riles. Ang mga catcalls na ginagawa ng kalalakihan ay marapat na hindi pansinin, kasi kapag nag-react ka, gulo ang kalalabasan. Hindi naman din ako natatakot na umikot-ikot doon mag-isa, palibhasa ay kumpare ng lolo ko ang barangay chairman doon. Kailangan lamang na makisama at sumakay sa trip ng mga tao sa paligid mo, dahil yung una pa lamang na pakikipag-usap sa mga orgs ay kailangan na ng mabuti at magandang pakikitungo para payagan kami na mag-volunteer sa kanila. Kailangan ng paggalang sa oras na makikipag usap na sa mga matatanda, at kailangan ng ibayong pag-iingat sa pagsasalita.

Sa dami ng taong nakausap namin dun, pare-pareho halos ang sinasabi nila. Na ayaw nilang umalis sa riles dahil sa andun ang kabuhayan nila, bukod pa roon, doon na daw sila ipinanganak kaya doon na din mamamatay. May ibang mga pahayag nga lang na sa tingin ko ay talaga namang hindi magkakasundo. Mahal daw nila ang lugar nila pero sa oras na magkaroon ng magandang trabaho at kabuhayan sa relocation sites ay handa silang lumipat doon. Maari ay hindi ko lamang Makita ang punto nila. Na tipong alin ba sa mga pahayag na sinabi nila ang mas matimbang para sa kanila. Sa halos apat na oras na inilagi namin doon ay naging masaya kami sa pakikipagkwentuhan kila Amir, Garnet at Buddy, sila ang mga tumatayong lider ng ALMARIL, sila ang nag-orient sa amin tungkol sa isyu ng lugar, at sila din ang nakasama namin sa pag-ikot. Naramdaman namin yung maayos nilang pakikitungo, at bukal din sa amin ang makisalamuha sa kanila dahil sa ilang beses na din naming pagpunta sa kanila.

Sa huling pagpunta naming doon ay ginawa na namin ang dokumentaryo. Medyo masaya ang parte na ito, bukod sa kinulit lang naming ng kinulit si Mayo, ang bidang batang lalaki ng dokumentaryo. Anak siya ng isa sa taga-riles, at talaga namang napakagwapong bata. Ang pagkakamali lamang marahil ng org member na kukuha sa dokumentaryo ay ang bilhan si Mayo ng Chao Fan. Si Mayo lang kasi ang binigyan nila, kaya ang ibang mga batang taga-riles ay nakatunganga kay Mayo habang ito ay kumakain. Minura pa nga si Mayo ng kuya niya dahil sa sobrang gutom yata ng bata ay hindi na naisipang mang-alok ng iba. Hindi ko din naman iisipin na maiisip pa ni Mayo ang ialok iyon sa iba. Marahil ay unang beses pa lamang niya na kumain noon, dahil nga saw ala naming trabaho ang mga magulang niya. Ang ikinatuwa ko na lamang ay ang malaman na pumapasok ang bata sa paaralan. Bagama’t mahirap ang buhay, kahit papaano ay nag-aaral si Mayo, at maaring mabigyan pa siya ng magandang kinabukasan.

Sa pag-iikot ikot naming lahat sa riles ay napagtanto ko kung gaano ako kaswerte sa mga magulang ko. Kung gaano ako kaswerte dahil may bahay akong tinitirhan, na hindi na kailangang gibain. Swerte ako dahil nakakakain ako ng tatlong beses sa isang araw, at hindi ko kinakailangan na makipag-away sa mga kapatid ko para makakuha ng pagkain. Swerte ako dahil may cellphone ako, at nasusunod ang halos lahat ng luho ko, samantalang ang mga batang lumalaki sa riles ay salat sa material na bagay. Natutuwa nga lamang ako at kumpleto ang kabataan nila. Nakakapaglaro sila sa labas, sa ilalim ng init ng sikat ng araw. Naranasan ko mang maglaro noon ay hindi sa labas, kung di sa loob ng bahay, sa garahe ng sasakyan. Napagtanto ko na maraming mga bagay ang dapat ipagpasalamat. Sa pagpunta ko sa riles na iyon ay doon ko muling naranasan maging bata. Ang matuwa sa paligid, para akong turista habang namamangha sa kung paano nila binubuhay ang mga sarili at pamilya nila, habang nakakakaya pa nilang maglibang, uminom at tumambay. Namamangha ako sa kung paano silang nagkakasya sa isang maliit na silong, kung paano sila nabubuhay doon, natutulog, kumakain at nagpapahinga. Doon ko naranasan ang unang pagsakay ko sa trolley, o yung mas kilala bilang padyak, at habang nakasakay roon ay natutuwa sa kung paano nakakaya ng isang matanda o ng isang bata ang itulak at paandarin ang trolley na iyon na may sakay na anim hanggang sampung katao. Napagtanto ko na ang mga taong namumuhay doon ay all-around, maraming alam at maraming kayang gawin, samantalang ako, iisipin ko pa lang ay parang gusto ko nang mag-back out. Natutuwa ako hindi sa kalagayan nila, kung hindi sa patuloy nila na paglaban sa kahirapan at sa mga kaguluhan ng buhay, na sa kabila ng hirap na dinadaanan ay nagagawa pa nilang magbiro at tumawa.

Napagtanto ko sa aking sarili na kaya kong makisalamuha, na kaya kong makisama sa mga tao na noon ko lamang nakita, at ang maging masaya sa piling nila. Narealize ko na hindi lahat ng taga-riles ay masama ang intensiyon, at hindi lahat sila ay gumagawa ng masama. Naiiisip ko ang swerte ko, dahil sa hindi kami (ng mga kapatid ko) pinaranas ng hirap na naranasan nila mama noon, at sa pinayagan niya ako na mamulat sa katotohanan ng buhay sa pamamagitan ng pagpayag niya sa sumama ako sa volunteer work na iyon.

Ang pagpunta sa tabi ng riles ng tren ay isang paraan upang mamulat sa katotohanan ng mundo, ng buhay, ng Pilipinas. Na hindi lamang sa pelikula makikita ang hirap na tinatamasa ng mga kababayan natin. Ang exposure trip na iyon ay nagbigay sa akin ng libong dahilan para magpasalamat sa buhay na meron ako ngayon. At para pangalagaan ang kung ano mang meron ako at magkakaroon ako sa darating na mga panahon. Iisipin ko na lamang si Mayo, isang musmos na walang kamuwang-muwang sa mundo na ginagalawan niya. Ngunit bagama’t bata, alam kong nararamdaman niya ang hirap na nararanasan nila, dahil pagkalam ng sikmura. Iisipin ko na lamang si Mayo, na sa kabila ng hirap ng buhay ay marunong ngumiti at mag-enjoy. Iisipin ko na lamang si Mayo, na kahit pa salat ay nag-aaral at pinipilit na makatapos.

Ang mga taong nakilala ko sa riles ay patuloy na magiging inspirasyon ko. Patuloy kong iisipin na ang mga kaibigang nakilala ko sa riles ay aking magiging kaibigan sa kabila ng distansiya. At kahit tapos na ang volunteer work na ito, parang gusto ko nang ituloy ang pagsali sa TUDLA, para mas marami pa akong makita, matutunan at maranasan, mga bagay na hindi normal na makikita sa lugar na kinalakihan ko. =)

No comments: